Quantcast
Channel: Police Report Archives - UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 843

Drug suspects na nasawi sa police ops sa Taguig, asset umano ng NBI

$
0
0

MANILA, Philippines – Inaalam na ng Taguig City Police kung totoo ngang asset ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang drug suspect na nasawi sa operasyon ng pulisya noong buwan ng Mayo.

Sa ekslusibong ulat ni UNTV Correspondent Lea Ylagan sa Ito Ang Balita, sinabi ni Taguig City Police chief Colonel Celso Rodriguez, may nakuha silang identification card at dokumentong nagsasabing kunektado sa NBI ang drug suspects na sina Ryan Labandaria at Ervyn Querubin.

Ang dalawa ay nasawi sa operasyon ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG) at National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Lower Bicutan noong Mayo 23.

Nakuha sa mga ito ang 12 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P81.6 milyon.

Ayon kay Rodriguez, iniimbestigahan na nila ang authenticity ng nakuhang NBI certification mula sa napatay na drug suspects.

“Bina-validate pa namin kung totoo o peke yan, papel lang ho yun na nakalagay na asset po sila ng NBI,” ayon sa opisyal.

Una nang sinabi ni Police Lieutenant Colonel Jovie Espenido na mga tauhan ni self-confessed drug lord Kerwin Espinosa sina Labandaria.

Taga-Leyte umano si Labandaria at dinala ni Espinosa sa Luzon upang magsilbing drug courier.

Si Espinosa ay sinasabing nag-ooperate ng illegal drug trade mula sa Albuera, Leyte kung saan alkalde noon ang kanyang ama na si Rolando Espinosa Sr.

Nasawi si Espinosa Sr. sa isang raid sa kanyang bahay na pinangunahan noon ni Espenido.

Ayon naman sa isang source ng UNTV News, nakikita umanong dumadalaw sina Labandaria at Querubin kay Espinosa sa NBI.

Si Espinosa pa umano ang humingi ng certification sa NBI para sa dalawa bilang kanyang utusan upang malaya pa rin itong makagalaw kahit may umiiral na community quarantine.

Wala pang tugon ang NBI sa hiling na panayam ng UNTV upang linawin ang isyu.

Sa panig naman ng Malakanyang, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na alam ng Department of the Interior and Local Government at Philippine Drug Enforcement Agency ang patuloy na operasyon ni Espinosa kahit nasa kustodiya ito ng NBI.

Pagtitiyak ni Roque, patuloy na itong iniimbestigahan ng mga otoridad at hindi lamang ipinaalalam sa publiko dahil maselan ang operasyon ukol rito.

“Kinumpirma po namin kay (DILG) Sec. (Eduardo) Año, itong bagay na ito ay alam at iniimbestigahan ng mga otoridad, lalong lalo na po ng DILG at PDEA. Pero hindi po natin pupwedeng maisapubliko kung ano mang hakbang na ginagawa nila. It is confidential information,” ani Roque.

 “Pero hindi po bulag at hindi bingi ang ating mga alagad ng batas,” dagdag pa niya.

Si Espinosa ay nahuli dahil sa pagkakasangkot niya sa narcotics trade.

Ngunit isinailalim ito sa Witness Protection Program dahil sa mga impormasyon hinggil sa umano’y pagkakasangkot ni dating Justice Secretary at ngayon ay Senador Leila de Lima sa kalakalan ng iligal na droga sa loob ng New Bilibid Prison. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Lea Ylagan)

The post Drug suspects na nasawi sa police ops sa Taguig, asset umano ng NBI appeared first on UNTV News.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 843