Quantcast
Channel: Police Report Archives - UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 843

Self-confessed drug Lord Kerwin Espinosa, tuloy pa rin ang illegal drug trade kahit nakakulong – Espenido

$
0
0

MANILA, Philippines – Hindi pa rin umano tumitigil sa kalakalan ng iligal na droga ang self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa.

Sa ekslusibong ulat ni Correspondent Lea Ylagan sa UNTV Ito Ang Balita ngayong Miyerkules, sinabi ni Police Lieutenant Colonel Jovie Espenido na tuloy pa rin si Espinosa sa pagbebenta ng iligal na droga kahit naka-detine ito sa pasilidad ng National Bureau of Investigation (NBI).

Katunayan aniya nito ay ang pagkakapaslang sa ilan nitong tauhan, kabilang na ang isang nagngangalang Ryan Labandaria, sa isang operasyon ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG) at National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Lower Bicutan, Taguig City noong May 23.

Nakumpiska sa naturang operasyon ang nasa 12 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P81.6 milyon.

Sinabi rin ni Espenido na mga tauhan rin ni Espinosa ang dalawang magkapatid na sina Angelica at Maria Lyn Tulio na nahuli sa sinalakay na warehouse sa Marilao, Bulacan noong nakaraang linggo kasama ang isang Chinese national na nakilalang si Yuwen Cai.

Nakuha sa mga ito ang nasa 827 kilo ng hinihinilang shabu na nagkakahalaga ng P5.1 bilyon.

Inihayag rin ni Espenido na isa rin sa mga drug courier ni Espinosa si Danny Apiga na pinaslang sa Macapagal Boulevard kamakailan kasama ang isang Chinese national na si Jin Long Cai, na anak naman umano ng Chinese drug suspect na nahuli sa Bulacan.

“Mga tauhan lahat ni mayor, yung Ryan galing yan sa Albuera. Courier yan courier, mga kinuha yan,” ani Espenido.

Ayon naman sa hepe ng PDEG na si Brigadier General Romeo Caramat, patuloy pa nilang sinusuri ang natanggap nilang impormasyon ukol kay Espinosa.

“Meron kaming unvalidated info pero vini-verify pa namin to be sure,” ani Caramat.

Naniniwala si Espenido na hindi naging hadlang kay Espinosa ang pagkakadetine nito dahil mas lumawak pa ang drug operation nito.

“Powerful na eh, mas grabe ka-powerful s’ya kung i-compare mo noong una. Mas powerful s’ya ngayon kasi, yung nga, naka-detain na nakalaro pa,” ayon sa opisyal.

“Actually Pampanga, Bulacan, Cavite, Pasay at saka Taguig ang area nila. Actually ang mga tao dito sa Albuera, lahat dinala ni Kerwin doon sa Luzon,” dagdag pa niya.

Si Espenido ang nanguna sa mga raid na inilunsad ng pulisya sa mga bahay ng mag-amang Espinosa noong 2016 noong siya pa ang hepe ng Albuera Police sa Leyte.

Nasawi sa operasyon ang ama ni Kerwin na si Rolando Espinosa Senior na alkalde noon ng bayan ng Albuera. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Lea Ylagan)

The post Self-confessed drug Lord Kerwin Espinosa, tuloy pa rin ang illegal drug trade kahit nakakulong – Espenido appeared first on UNTV News.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 843