
General ng Peaceful Responsible Owners of Guns o PROGUN Acting Secretary General, Atty. Ernesto Tabujara III (UNTV News)
MANILA, Philippines – Kinukuwestiyon ni Atty. Ernesto Tabujara III, acting Secretary General ng Peaceful Responsible Owners of Guns o PROGUN, ang kapasidad ng Philippine National Police (PNP) na tugunan ang pangangailangan ng dami ng firearms holders.
Napagalaman umano sa isang survey na isinagawa ng kanilang grupo na halos hindi pa operational ang mga lokal na satellite offices na magpapatupad sana ng batas.
“Actually, based on our region-by-region online survey, we have determined that… ni-report ng mga tao namin sa regions na ang Civil Security Group Satellite Offices, SATOS ang tawag are by and large not open. Merong mangilan-ngilan I think Cebu started processing, but the rest remain closed. Ang usapan sa Supreme Court TRO, lahat bubuksan. Kung hindi lahat bubuksan, that’s a violation of the Temporary Restraining Order,” pahayag ni Tabujara.
Sa ngayon ay nasa 490,000 ang tinatayang bilang ng firearms holders at 1.7 million ang bilang ng armas ayon sa hepe ng PNP Firearms and Explosive Division na si Police Chief Superintendent Muro Virgilio Lazo.
Hindi ikinaila ni Lazo na kailangan pang palakasin ang kakayahan ng PNP Firearms and Explosive Division upang maipatupad ng maigi ang RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Binigyan nito ng 7 out of 10 na rating ang kapasidad ng ahensya sa pagpapatupad ng naturang batas.
Aniya, “Right now, we are 7… We also need to improve our equipage and computer hardware.”
Ayon kay Lazo, ang paunang plano sana ay ang pagkakaroon ng isang sentralisadong sistema ng pagproseso ng lisensya ng mga indibidwal kabilang na ang license to own and possess firearms, at pagrehistro ng mga baril at mga bala.
“Yung integrity dapat…yung data, unquestionable dapat… Hindi namin kontrolado masyado yung mga tao sa baba, pero kung sa Camp Crame eh kontrolado talaga namin. However, natalo nga tayo doon… so inorderan kami ng decentralization. Pero hindi naman dahil sinabing decentralization ay go na agad. We also have to train people, check their background, kasi otherwise yung laman ng database, yung integrity ng data will be questionable.”
Subalit, na-isyuhan ng Temporary Restraining Order (TRO) ng Korte Suprema ang centralization ng pagpapatupad sa batas, kaya kailangang i-decentralize o dalhin ang pag-proseso sa mga police regional offices na siyang kakain ng mas maraming pondo.
Sinabi ni Lazo na kailangan ng ibayong pagsasanay sa mga tauhan ng pulisya partikular sa Regional Operations and Plans Division (ROPD).
Kailangan rin ng karagdagang pondo para sa kagamitan at pag-upgrade ng computer hardware at software.
“Kailangan pong dagdagan yung equipment namin sa Camp Crame at aming regional offices. Right now, in our regional offices, we have one camera and one desktop computer,” saad pa ni Lazo. (Gerry Alcantara / Ruth Navales, UNTV News)