
Ang lider at mga miyembro ng Mac Lester Reyes Carnapping Group sa presentasyon nito sa media. (UNTV News)
QUEZON CITY, Philippines – Nasa kustodiya na ng Quezon City Police District (QCPD) ang leader at miyembro ng notoryus na Mac Lester Reyes Carnapping Group.
Kabilang sa mga naaresto ay ang leader ng grupo na si Mac Lester Reyes kasama ang live in partner nito na si Richell Sibug, miyembro na sina Armando Del Cruz at Macario San Diego, mga auto technician na sina Alvin Ganac at Pablito Gumasing.
Ayon kay QCPD-ANCAR Chief P/SInsp. Rolando Lorenzo, naaresto nila ang mga suspek matapos ang isang taong surveillance ng Criminal Investigation and Detection Unit, Anti-carnapping at ng Highway Patrol Group Task Force Limbas.
Modus operandi ng grupo na nakawin ang mga sasakyan habang nakaparada.
“Halos isang taon namin itong trinabaho, nahirapan lang kami doon sa pagtukoy ng mismong lugar kung saan matatagpuan ang lider na si Mac Lester,” saad ni Lorezon.
Sinabi din ni QCPD Director P/CSupt. Richard Albano na sampung mga carnap vehicles din ang na-recover ng mga awtoridad sa iba’t-ibang lugar sa Metro Manila at kalapit na lalawigan.
Kabilang sa mga narecover na sasakyan ang 2 Toyota Hi-Ace, 2 Toyota Prado, Nissan Patrol, Subaru Impreza, Toyota Land Cruiser, Toyota Grandia, Isuzu Sportivo at Hyundai Accent.
Na-recover din sa kanilang hideout ang mga magkakaparehong plaka at susi ng sasakyan, bala ng 45 caliber na baril at Allen wrench na ginagamit sa pagbubukas ng sasakyan, baril at sachet na pinaghihinalaang shabu.
Ang Mac Lester Reyes Carnapping Group ay sampung taon nang nag-o-operate sa bansa.
Ayon sa mayari ng nakarnap na Accent na may plakang NIT 162, pinalitan ito ng karnaper ng plakang NQT 989.
“Around 12 o’clock po ng dumating ako at nagpark sa bahay then pasok sa bahay pahinga then mga 8 o’clock lalabas ako maglilinis ng sasakyan natulala ako kasi wala na po eh akala ko may nagbiro lang,” kwento ni Joel Cua, May-ari ng nakarnap na Hyundai Accent.
Paalala ng QCPD sa publiko, kapag bumili ng second hand na sasakyan, kunin ang duplicate key upang makasigurong hindi ito magagamit ng mga kawatan.
Kaugnay nito, nananawagan naman ang pumunuan ng Quezon City Police District sa mga mambabatas na bigyan ng ngipin ang batas upang hindi na makalabas ng kulungan ang mga suspek. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)