MANILA, Philippines — Nakalatag na ang seguridad na ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) sa muling pagbubukas ng eskwela sa Hunyo.
Ito ay upang maiwasan ang mga petty crime sa pagdagsa ng mga estudyante sa pasukan.
Ayon kay PNP Spokesperson P/SSupt. Wilben Mayor, bukod sa mga pulis na nagpapatrolya sa kalsada ay maglalagay din sila ng police assistance desk sa mga eskwelahan.
“Kasama natin dyan ang mga barangay tanods, volunteer groups ng LGU, itong balik eskwela ay para ma-ensure yung safety and security ng mga estudyante at guro at mga magulang na pumupunta sa mga eskwelahan lalo na sa mga kritikal na oras yung pagpasok at paglabas ng mga estudyante,” saad nito.
Sinabi pa ni Mayor na tumutulong din ang kanilang mga tauhan lalo na sa mga lalawigan sa paglilinis sa mga eskwelahan bilang paghahanda sa pasukan.
“Ang PNP sa kani-kanilang jurisdiction, mga regional directors at chief of police ay sumasama din dito para tumulong sa paglilinis sa kani-kanilang jurisdiction at ang programa na ito ay yearly.”
Sa kabila nito, tiniyak naman ng opisyal na mahigpit din ang ginagawang pagbabantay ng PNP sa mga vital installation ng bansa kabilang ang mga oil depot at matataong lugar gaya ng mga seaport, airport at terminal. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)