MANILA, Philippines – Apat na indibiduwal na umano’y sangkot sa pamemeke ng pera ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Angeles City, Pampanga.
Kinilala ang mga naaresto na sina Joeylyn Castro, Virgilio Yalung, Zenia Andres, at Marilyn Lucero.
Ayon kay NBI Officer-in-Charge Eric Distor, inaresto ang apat dahil sa reklamong illegal possession at paggamit ng pekeng treasury o perang papel at iba pang instruments of credit.
Ayon kay Distor, inilunsad ng NBI-Special Action Unit (SAU) ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa isang grupo na umano’y magtutungo sa isang money changer sa Angeles upang papalitan ang umano’y mga pekeng dolyares na kanilang hawak.
Agad umanong nakipag-ugnayan ang NBI-SAU sa Payments and Current Investigation Group, Office of the Assistant Governor, Payments and Currency Development Sub-Sector, Bangko Sentral ng Pilipinas at mga lokal na otoridad upang mahuli ang grupo.
“The operatives were able to arrange a meeting through an informant, where two of the subjects would bring and use the counterfeit bills,” ang pahayag ng NBI.
Minanmanan ng NBI ang galaw ng dalawa na kinilalang sina Yalung at Castro. Nang subukang papalitan ang dala nilang pera ay natiktikan umano ng tauhan ng money changer na peke ang mga ito at tumangging tanggapin ang salapi.
Sa pagkakataong ito ay nilapitan na ng mga otoridad ang dalawa at agad na hinuli. Nakuha sa mga ito ang 78 piraso ng pekeng tig-100 US dollars.
Itinuro naman ng dalawa ang source ng pinekeng pera at nahuli ang mga ito sa isinagawang follow-up operation sa Anopol, Bamban.
“The arrested subjects led the operatives to the house of their source in Anopol, Bamban, Tarlac where the two undercover agents were met by two elderly women later identified as Zenia Andres and Marilyn Lucero,” pahayag ng NBI.
“Upon asking the undercover agents about the counterfeit bills, the operatives immediately apprehended them,” dagdag pa nito.
Nasa 78 piraso ng pekeng US dollar bills at dalawang bundle ng peke P1,000 bills ang na-recover mula kina Andres at Lucero.
“The seized items were presented to the Bank Officer of PCIG-PCDSS, BSP, who confirmed that the seized bills were counterfeit,” ang ulat ng NBI.
Nahaharap ang apat sa reklamong paglabag sa Article 168 o ang Illegal possession and use of false treasury or bank notes and other instruments of credit at Article 166 o ang Forging treasury or bank notes on other documents payable to bearer ng Revised Penal Code.
The post 4 arestado sa pamemeke ng pera – NBI appeared first on UNTV News.