MANILA, Philippines – Pinag-iingat ng Philippine National Police (PNP) ang publiko laban sa investment schemes na kumakalat ngayon sa social media.
Sa panayam sa programang Get it Straight with Daniel, sinabi ni PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) spokesperson Police Captain Mark Nobre may mga natatanggap silang reklamo ukol sa online investment scam at marami sa mga nabibiktima nito ay overseas Filipinos workers.
Ngayong taon, umaabot na sa 1,544 ang kaso ng online scams na kanilang naitala.
Pakiusap ng PNP-ACG sa publiko na agad isumbong sa kanilang tanggapan ang anumang uri ng investment schemes na nakikita nila sa social media sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe sa kanilang Facebook page.
“Karamihan din po ng mga kababayan natin, mayroon din po kaming actually natatanggap na information pagdating sa ganiyan, and nakatutulong po ito sa aming mga investigation and sa case build up,” ani Nobre.
“Malaking tulong po yun na kahit ayaw ninyo pong mag-complaint, malaking tulong pong magsend po kayo ng message sa inbox namin and magbigay po kayo ng information dun,” dagdag pa niya.
Kung nabiktima naman ng online scams o cybercrimes, maaaring magreklamo sa pamamagitan ng email e-sumbong@pnp.gov.ph o cellphone number 0916-829-8083.
Kailangang magsadya sa tanggapan ng PNP-ACG upang ismute ang mga ebidensya tulad ng resibo o patunay na nagbigay ng pera gayundin ang sinumpaang salaysay. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Rosalie Coz)
The post Publiko, binalaan vs investment scheme sa social media appeared first on UNTV News.