
Ang 3 sa 7 mga suspek sa pagpatay kay Sgt. Christopher Servano ng Philippine Marines na bumagsak na sa kamay ng batas. (UNTV News)
MANILA, Philippines — Naaresto na ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang tatlo sa pitong suspek sa pagpatay sa isang miyembro ng Philippine Marines noong Abril 28 sa Makaturing St. Brgy. Manresa, Quezon City.
Ayon kay QCPD Dir. Sr. Supt. Richard Albano, sina Fernando Sampaga alyas “Pandong” at Jimboy Rondina ay nahuli sa checkpoint ng COMELEC habang nakasakay sa motorsiklo na walang helmet sa Kamuning Station.
Nahuli naman ng Highway Patrol Group (HPG) Task Force Limbas si Ariel Sampaga habang nagmamaneho ng taxi sa kahabaan ng Roosevelt Avenue.
Sinabi ni Albano na ang tatlong nahuli ay pawang mga miyembro ng Sampaga Group at nahaharap sa maraming kaso dahil sa pagpatay kay Sgt. Christopher Servano ng Philippine Marines.
“Illegal procession of firearms in connection with omnibus election code, may dalawang baril and case of murder are being ready for all of them including two John Does,” pahayag pa ng opisyal.
Nanawagan naman ang asawa ng biktima para sa agarang ikadarakip ng apat na iba pang nakakalayang suspek. (Lea Ylagan & Ruth Navales, UNTV News)